25.02.2021

IKAW ANG BAGONG BAYANI: DAPAT KANG MAGING LIGTAS

Ang pagpunta sa ibang bansa upang magtrabaho ay maaaring maging isa sa mga pinakamagandang karanasan sa iyong buhay. Maaari rin itong maging isa sa pinakamalaking hamon.

Napakaraming Pilipino ang pinagsamantalahan sa ibang bansa – hindi makausap sa kanilang pamilya, hindi mabayaran ang ipinangakong sahod, at maaaring maharap sa pang-aabuso. Mayroong mga hakbang na maaari mong gawin kapag naghahanap ng trabaho sa ibang bansa upang maiwasan o maibsan ang panganib na mangyari sa iyo ito. Alam mo ba kung aling mga recruitment agency ang maaari mong pagkatiwalaan? Kaya mo bang kilatisin ang isang pekeng ad sa trabaho? Alam mo ba kung aling mga bayarin ang dapat mong bayaran at alin ang iligal?

Ano ang pinakaligtas na paraan para makahanap ng trabaho sa ibang bansa?

Kung nakapagpasya ka nang magtrabaho sa ibang bansa, mahalagang malaman mo kung paano suriin ang mga panganib at kung aling mga pag-iingat ang maaari mong gawin upang ang iyong paglalakbay ay maging ligtas hangga't maaari. Mayroon ring mga hakbang na maaari mong gawin upang maprotektahan ang iyong sarili sa sandaling dumating ka sa iyong destinasyon. Basahin ang sumusunod para malaman ang iyong mga karapatan at iba pang mahahalagang impormasyon.

Una, dumalo sa LIBRENG Pre-Employment Orientation Seminar (PEOS). Sa ganitong paraan maiintindihan mo ang buong proseso at kung paano maiiwasang mabiktima ng illegal recruitment.

Sunod, sundin ang sumusunod na mga payo para sa paghahanap ng job offer at recruitment agency na maaari mong pagkatiwalaan:

Kung nalaman mo ang oportunidad sa trabaho sa pamamagitan ng social media o mga kakilala, maaari mo itong kumpirmahin sa link na ito.

Kung lehitimo ang ahensya, dapat nakalista ito sa website at ang estadong nakalagay ay ‘Valid License.’ Kung hindi, huwag makipag-ugnayan sa ahensya, kahit ano pang sabihin nila sa’yo! Suriin ito dito.

Makakatulong ito para maiwasan ang mga ‘fixer’ o middlemen na hindi lisensyadong magtrabaho para sa ahensya, mga taong magpapataas sa gastusin mo – at higit sa lahat, maaaring magpalawak ng peligro. Pagkatiwalaan ang iyong kutob – kung may napansin kang bagay na ‘di palagay ang iyong loob, tandaang ikaw ang may hawak sa sitwasyon at maaari kang ‘di tumuloy sa aplikasyon anumang oras.

Maaari ka ring makipag-ugnayan sa iyong lokal na Public Employment Service Office (PESO) para sa libreng payo; o hilingin sa kanila na i-ugnay ka sa isang lokal na Overseas Filipino Worker (OFW) Family Circle para makausap mo nang diretso ang mga manggagawang galing na sa ibang bansa.

Anong mga bayarin ang dapat kong bayaran?

Mayroong ilang dokumento na kailangan mo para makapagtrabaho sa ibang bansa. Madalas inaalok ng mga recruitment agency ang pag-aayos ng mga ito para sa kanilang mga aplikante bagama’t mas mura ang ilan sa mga ito kung ang aplikante mismo ang magpoproseso. Kapag nagbabayad ka sa isang ahensya, tiyaking ginagawa mo ito nang personal sa kanilang tanggapan at humingi ng kaukulang opisyal na resibo para sa bawat bayad o dokumento.
Ang mga dokumentong kakailanganin mo ay maaaring mag-iba-iba depende sa iyong hinahanap na trabaho, ngunit ang sumusunod ay ilan sa mga pangunahing kinakailangan. Kung wala ka pang mga ganito, maaaring kailangan mong magbayad para sa mga sumusunod:
  • Image

    Pasaporte na may bisa na hindi bababa sa isang (1) taon

  • Image

    National Bureau of Investigation (NBI)/Police/Barangay Clearance 

  • Image

    National Statistics Office (NSO/PSA) authenticated birth certificate

  • Image

    Transcript of Records at Diploma na igninawad ng paaralan, sertipikado ng Commission on Higher Education (CHED), at na-authenticate ng Department of Foreign Affairs (DFA)

  • Image

    Professional license na iginawad ng Professional Regulation Commission (PRC), at na-authenticate ng DFA 

  • Image

    Certificate of Competency na iginawad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) 

  • Image

    Membership sa Philhealth, Pag-Ibig, at Social Security System

Anong mga bayarin ang hindi ko dapat bayaran?

Inilalahad ng bahaging ito ang mga bayarin na dapat bayaran ng iyong recruitment agency o employer at hindi mo dapat bayaran. Kung sabihan kang dapat kang magbayad para sa alinman sa mga sumusunod o sabihan kang magbayad ng mga karagdagang bayarin na nakalista sa seksyon sa itaas, ireklamo ang ahensiya at huwag tanggapin ang trabahong alok nila.
Ang ahensya o employer ay dapat magbayad ng:
  • Image

    Placement fee (walang placement fee parasa household services workers) 

  • Image

    Valid work visa, kasama ang stamping fee. Maaari ka lamang magtrabaho nang ligal sa ibang bansa sa pamamagitan ng isang work visa at hindi isang student o tourist visa. Huwag magtiwala sa isang ahensya na magpapalabas na pwede ang ganito.  

  • Image

    Work permit at residence permit

  • Image

    Angpamasahe mo sa patutunguhang bansa at pamasahe pabalik ng Pilipinas

  • Image

    Pamasahe mula sa airport tungo sa lugar ng trabaho

  • Image

    Ang iyong pagkain at tirahan habang nasa patutunguhang bansa 

  • Image

    POEA processing fee 

  • Image

    Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) membership fee

  • Image

    Pre-employment medical examinations

  • Image

    Karagdagang pagsasanay, kung hilingin ito ng employer 

  • Image

    Sa konteksto ng illegal recruitment, ang mga illegal recruiter ay karaniwang nag-aalok na bayaran ang mga dokumento at pagpoproseso ng mga ito. Ang nangyayari, nagkakaroon ng utang na loobang mga aplikante sa mga recruiter/trafficker, na bumubuo ng isang relasyong mahirap baliin. Upang maiwasan ito, tiyakin na maglalakbay ka lamang sa pamamagitan ng isang ahensyang inaprubahan ng POEA.

Ano pang mga dapat kong tandaan?

  1. Huwag pumirma ng iba pang kontrata habang ikaw ay nasa airport o pagdating kalalapag lamang sa bansang pagtatrabahuhan.
  2. Itanong sa ahensya kung magkano ang iyong sahod habang nagtatrabaho sa ibang bansa.
    • Halimbawa, ang minimum wage para sa overseas domestic workers ay USD 400 kada buwan (o 19,220.40 PHP).
  3. Importante ring itanong kung kalian at paano ka mababayaran. 
    • Kung ipapadala ang iyong sweldo diretso sa Pilipinas, isipin kung paano ka makakabili ng mga bagay na kailangan mo, gaya ng toiletries atbp.
  4. Siguruhing may kontrata ka at sabihan mo ang iyong ahensya na isulat kung anong dapat mong gawin, at kung anong mangyayari, sakaling hindi tuparin ng employer mo ang mga nakasaad sa kontrata. Siguruhing ang mga probisyon ng kontrata ay klaro sa’yo at na may kopya ka nito.
    • Dapat nakasaad sa iyong kontrata kung magkano ang iyong sweldo, gaano kahaba ang oras sa paggawa, mga karapatan sa panahon ng break at mga holiday, bilang ng tao sa tahanang iyong pagsisilbihan, paano ang sistema sa pagtulog at kung employer mo ba ang bibili ng return airplane ticket mo sa pagtatapos ng iyong kontrata.
  5. Alamin kung ang recruitment agency na iyong katransaksyon ay may katrabahong partner agency o ‘foreign placement company’ sa bansang iyong pupuntahan.
    • Minsan may mga nakatagong bayaring sinisingil ang mga partner agency pagdating mo, kaya’t mainam na tanungin agad ito at sabihing isulat ang sagot sa papel. Huwag magbayad ng anumang singil na hindi nakasaad sa listahan ng mga bayaring pinapayagan sa ilalim ng POEA Rules and Regulations.
  6. Pag-aari mo ang iyong pasaporte kaya pangalagaan mo ito. Pag-aari mo ang iyong pasaporte kaya’t ingatan ito.
    • Hindi dapat kunin o hawakan ng mga ahensya ang iyong pasaporte. Kung maaari, gumawa ng kopya ng lahat ng iyong mga dokumento, kabilang ang iyong pasaporte, kontrata, at mga resibo. Mag-iwan ng kopya ng mga ito sa iyong mga pamilya at magdala rin ng kopya para sa sarili.
  7. Tandaan, ang minimum age ng overseas workers ay 18, at dapat hindi bababa sa 23 ang iyong edad kung papasok bilang household services worker.
    • Huwag pagkatiwalaan ang anumang ahensya na handang bigyan ka ng trabaho kahit wala ka pa sa sapat na gulang.

Mga nangungunang payo para manatiling ligtas

Kailangan mo ba ng tulong bago ka umalis?

Sa isang emergency call 911.

Maaari ka ring tumawag sa (02) 1343 Actionline sa Pilipinas 24/7 para mag-report ng pananamantala at upang matunton sa panahong kailangan ng tulong.

Makipag-ugnayan sa iyong lokal na Public Employment Service Office (PESO) para sa libreng payo o para hingin ang mga detalye ng isang OFW Family Circle. Maaari ka ring makipag-ugnayan sa DMW o pinakamalapit nitong regional o satellite office para sa libreng payo at verification.

Ang sumusunod na Non-Governmental Organisations (NGOs) ay maaari ka ring matulungan:

Ang Blas Ople Centre

Ang Blas Ople Center ay isang non-profit organization na tumutulong sa overseas Filipino workers lalo na sa mga nakararanas ng labis na pananamantala at/o human trafficking. Kasulukuyan nitong kinakatawan ang Migrant Workers’ Sector sa Inter-Agency Council Against Trafficking. Maaari silang magbigay ng paying ligal, pamamatnubay at suporta para sa’yo at iyong pamilya.

Hotline: +63 0961 811 4288

[email protected]

https://www.facebook.com/blasoplepolicycenter/

ChildFund

Pangarap ng ChildFund International na mabago ang mundo tungo sa isang sitwasyon kung saan ang bawat bata ay malayang mabuhay na nagagamit ang kanilang buong husay, na hindi alintana kung saan sila galing o kung anong mga hamon ang kinakaharap nila. Kung kasalukuyan kang mas bata sa edad na ligal upang maging isang overseas domestic helper (23) o isang OFW sa pangkalahatan (18), maaari kang makipag-ugnayan sa kanila para sa suporta. Mayroon silang presensya sa 405 na nayon sa 12 lungsod at 37 munisipalidad sa 21 lalawigan.

+63 2 8 6311575

https://www.facebook.com/childfundph

Kung may petsa na ang iyong pag-alis o kung ika’y nasa ibang bansa at may bagay na hindi tama

Kahit na ginawa mo ang lahat ng hakbang para sa pag-iingat, maaaring hindi pa rin umakma sa plano ang mga bagay. Kung sa sandaling nasa ibang bansa ka na, at naharap ka sa isang peligrosong sitwasyon, ang unang bagay na kailangan mong tandaan ay hindi mo ito kasalanan at maaari kang humingi ng tulong.

Hindi mo kailangang mamalagi sa isang lugar na ramdam mong hindi ligtas. 

Tumawag sa (02) 1343 Actionline sa Pilipinas 24/7 para mag-ulat ng pananamantala at hahanapin nila ang lugar na iyong kinalalagyan para masuportahan.

Kung inaabuso ka o nilabag ang iyong kontrata, iulat ito sa iyong Philippine Recruitment Agency. Dapat kang mag-ulat ng anumang mga makabuluhang insidente, tulad ng pagpilit sa’yong pumirma ng isa pang kontrata, mga banta mula sa mga employer, pagkumpiska ng pasaporte, atbp. Kung hindi sila makakatulong, agad itong iulat ito sa POEA – tandaan na rekisito para sa mga PRA na mag-uulat at aksyunan ang anumang makabuluhang insidente na iniulat ng kanilang manggagawa. Tiyaking nakipag-ugnayan ka sa POEA sa pamamagitan ng kanilang website at hindi sa Facebook dahil hindi ito maituturing na isang opisyal na ulat.

Maaari mo ring kontakin ang iyong lokal na PESO.  

Ang isa pang pwedeng gawin ay makipag- ugnayan sa Embahada ng Pilipinas sa bansa kung nasaan ka at ipaliwanag ang iyong sitwasyon.

Ang International Domestic Workers Federation ay mayroong mga union group sa buong mundo, hanapin ang iyong lokal na grupo at makipag-ugnayan sa kanila.